Sunday, October 24, 2010

Sa Mga Nag-aasal Barbaro



Minsan ko lang ito gagawin. Minsan ko lang ilalabas ang ganitong asar at inis sa mga taong may pagka-barbaro pa rin talaga ang mga ugali.


Matagal ko nang pinapalampas ang mga jeepney drivers (partikular sa mga biyaheng San Pablo, Laguna – Calamba, Laguna) na buong tapang na naninigarilyo kahit na may mga buntis o bata silang mga sakay. Natitiis ko pang ‘wag silang sigawan sa pag-iisip na kaya pa nilang ‘tong tigilan.

Matagal ko na ring pinapalampas ang mga counter helpers at mga salesladies na parang laging dala-dala ang problema ng buong mundo at napagtripang ibuos ang mga ito sa mga potensyal na customer. Natitiis ko pang ‘wag silang sigawan sa pag-iisip na baka naman may personal lang silang mga problema at ‘di maiwasang maiparamdam ito sa ekspresyon ng kanilang mga mukha.

Natitiis ko pa rin kahit papano ang mga ‘di na halos malinis na mga pampublikong palikuran na halos masuka ka na sa pag-ihi (at pagkatapos ay kailangan mo pang magbayad ng limang piso) sa pag-iisip na baka wala lang budget talaga para sa patuloy na pag-me-maintain sa mga ‘to.

Marami, marami pa. Kung iisipin mo ang mga ito nang buong maghapon ay baka mabuwang ka lang.

Pero ang isa sa talagang hindi ko na napalampas ay ang nangyari kamakailan sa isang ATM machine. Pumila naman ako nang maayos. Tahimik na naghihintay ng pagkakataon sa ATM. Pero para basta ka na lang i–bypass ng isang bigutilyong mamang may kotse dahil sira ang kabilang ATM na parang hindi ka nag-e-exist ay para sa ‘kin ay kalabisan na. At sinundan pa ng isang babae, na sa istura naman talaga ay ‘yung may-kaya rin, na nagpakeme pang naiilang na sumingit rin. Ito, ito talaga ang hindi ko na mapapalampas.

May mga bank accounts sila, so most likely may mga trabaho ang mga ito, may mga pinag-aralan kahit papano. Pero sa pinakita nilang ito ay parang naligaw sila at inakala nilang nasa gubat pa rin sila at nag-ooperate pa rin sila sa prinsipyo ng ‘survival of the fittest’. Oo nga at BS lang ang tinapos ko at may simpleng trabaho, pero sa pagkakataon na ‘yun ay nagmuka silang mga hayop sa paningin ko, kahit pa may PhD sila.

Medyo nagsisisi rin ako at hindi ko na napigilan ang sarili at nagpahayag ng profanity sa kanila; parang ibinaba ko pa ang lebel ko sa kanila. Pero sa mga darating na pagkakataon at may mga makasalamuha pa akong takas sa gubat ay hindi ako magdadalawang isip na sabihing nasa sibilisasyon na sila.

Hindi ako perpekto, may mga kakulangang panlipunan rin ako, pero sa partikular na pagkakataon na ‘yon, alam ko sa sarili ko na nakasaksi ako ng isang pakikitungong hindi pang-tao.

(Ayos na ‘ko. Nasabi ko na ‘to. Balik English na uli ang Viole(n)t Mugs. Whew.)

No comments: