Monday, July 27, 2009

Pa-siyam: Gloria's 9th SONA, let's make it her last


From ARTISTS’ ARREST: Artists’ Response to the Call for Social Change and Transformation

Kapag may pa-siyam, nagluluksa at nagdarasal ang mga namatayan. Ngayong paparating ang ika-siyam na SONA (State of the Nation Address) ni Gloria sa July 27, magluluksa at magdarasal din ang taong bayan, nawa'y umalis na sa poder ang reyna ng kasakiman!

Iisa ang eksena saan ka man tumingin sa kasalukuyan. Parang palabas at mga bida sa tv na iisa ang ipinapakita. Isang driver na bumubuntung-hininga sa kawalan ng pasahero, isang snatcher na nag-aalibi na napilitan lang siya para may ipambili ng anti-tb na mga gamot para sa kanyang one year old, isang nanay na nagmumulti-tasking para maka-score ng instant noodles na ipapakain sa anim na anak.

Nakakabahala.

Magpaka-partikular tayo, 1,242 ang tinanggal sa NFA, 1,750 sa Fujitsu Ten sa Canlubang, at 392 sa Intel Corporation. Ang ipinagmamalaking BPO industry ay nanganganib na magbawas ng 90,000 na empleyado.

Mahaba pa ang listahan ng tanggalan.

Subukin nating pumasok sa mga tahanang walang maibili ng mahal na gasul, sa mga naputulan ng linya ng tubig at mga naka-jumper.

Maglakbay pa tayo sa kanayunan, sa mga magsasakang problemado dahil wala na siyang lupang mabubungkal.

Hindi maitatanggi ang laganap na kahirapan. Kahit saan. Sa loob ng mahigit walong taong panunungkulan ni Gloria.

Maitim na balak ang nalantad sa atin noong hatinggabi ng June 2, desidido ang reyna na manatili sa poder lagpas 2010. Niluto ng kanyang mga galamay sa kongreso ang pormulang HB 11059 na magpapalawig sa kanyang termino...ang CON-ASS (Constitutional Assembly).

Ibinukas na ang pintuan para sa Charter Change na mula pa 2005 ay ipinipilit na ni gloria. Sino nga ba ang hindi maniniwala na hindi term extension ang isa kanyang motibo?

Mag-rewind tayo ng kaunti: “I will not run for 2004 elections,” pero tumakbo siya at pagkaraan ng isang taon, nabuking ang Hello Garci Scandal, sinabi naman niya “I am sorry,” ganun-ganun na lang. Kamakailan pabiro pa niyang inanunsyo “Who knows, I may run for Congress in my hometown,” maniniwala at magtitiwala pa ba tayo sa kanya?

Bagama’t kinikilala natin ang kasiglahan ng eksena ng arts and literature sa kasalukuyan, pilit pa rin nating hahanapin kung nasaan ang mga artista sa ganitong panahong nililigalig ang ating bayan.

Malikhain ba nilang sinasalamin ang mga pangyayari sa ating lipunan?

Sa ganitong pagkakataon, ang Artists’ Arrest (Artists Response to the Call for Social Change and Transformation) ay maglulunsad ng isang kampanyang kontra Charter Change, kontra CON-ASS, kontra-SONA. Ang “Pa-siyam: Gloria’s 9th SONA, let’s make it her last”, ay katatampukan ng musika, pelikula, tula, litrato at sining biswal na sasalamin sa tunay na kalagayan ng bansa at damdamin ng mamamayan. Bahagi at Kaiisa ang kampanyang ito ng mas malawak na pagkilos ng taong bayan na LAKBAYAN ng MAMAMAYAN mula July 21-27.

Sa pamamagitan ng paglahok at pakikisangkot ng mga artista at manunulat sa mga isyu ng ating bayan ay higit na nagkakroon ng kabuluhan at papel ang arts and literature sa pagbabago ng ating lipunan.

No comments: